BABAE NASAWI SA PAGLILIGTAS NG 2 NALULUNOD NA MENOR DE EDAD

📷 Sariaya PNP

Ylou Dagos

Nasawi sa pagkalunod ang isang 46-anyos na dalaga  habang tinatangka nitong sagipin ang dalawang nalulunod na binatilyo sa beach resort sa Sariaya, Quezon kamakalawa.

Idineklarang dead on arrival sa ospital sa Lucena City ang biktimang si Juvelyn Cabrera, residente ng Brgy. San Isidro, Taysan, Batangas .

Batay sa report ng Sariaya police,  nag-a-outing ang magkakaanak sa isang resort sa   Brgy Guis-Guis Talon, Sariaya ng mangyari ang insidente.

Dakong alas 4:30 ng hapon nang habang naliligo ang dalawang binatilyo ay matangay ang mga ito ng alon patungo sa malalim na bahagi ng dagat.

Agad sumaklolo ang dalaga at nasagip nito ang isa sa binatilyo at nadala sa mababaw na bahagi.

Subalit nang balikan nito ang isa, hindi na nito kinaya at natangay na ito ng alon at lumubog na rin sa tubig.

Na-rescue naman ng mga residente na gumamit ng bangka ang  ang isa pang binatilyo.

Isinugod sa ospital ang dalaga at kanyang nasagip na binatilyo subalit tuluyan ng binawian ng buhay ang biktima.