MGA SUPPORTER NG NPA SA BATANGAS, KUMALAS

📷 59th IB

Ylou Dagos

Tuluyang kumalas ang ilang mga taga suporta ng mga rebeldeng New People’s Army sa  pagsuporta sa teroristang grupo na nag-ooperate sa lalawigan ng Batangas.

Dakong alass 3:00 ng hapon noong Lunes, nang magtungo sa Command Post 1 ng 59th Infantry Battalion ng Army sa Batangas ang siyam na residente ng Brgy. Guinhawa, Taysan, at nagpahayag ng kanilang pagtiwalag at pagtigil ng pagbibigay suporta sa mga rebelde.

Sinunog pa ng mga ito sa loob ng kampo ang kanilang mga dalang watawat ng NPA.

Una nang binigyang babala ng mga tauhan ng gobyerno ang mga nasabing residente na umano ay alam ng mga kasundaluhan ang kanilang ginagawang pagsuporta sa mga NPA base sa sumbong at affidavit ng mga dating rebeldeng sumuko na sa gobyerno.

Nagpa-blotter din sa barangay ang mga sundalo laban sa mga NPA supporters  na siyang naging dahilan para kumalas ang mga ito at pormal nang manumpa na sila ay tuluyan nang titigil sa pagbibigay suporta sa mga armadong grupo.

Nito lamang nakaraang isang linggo, tatlong beses na nagkasagupa ang mga NPA at mga sundalo sa bayan ng Taysan at Lobo kungsaan ang isa ay naganap sa mismong Baranagy Guinhawa na ikinamatay ng isang batang babae na naipit sa bakbakan.