MANUGANG BINARIL NG BIYENAN DAHIL SA AWAY PAMILYA

Ylou Dagos

Patay ang isang 45-anyos na lalaki matapos na barilin ng tatay ng kanyang live-in partner sa loob ng kanilang bahay sa Brgy. Domoit, Lucena City nitong Miyerkules ng hapon.

Idineklarang dead on arrival sa ospital ang biktimang si Marc Erick Naval na tinamaan ng bala sa kanyang katawan.

Batay sa report ng Lucena City police, nasa kusina ng kanilang bahay ang biktima sa Stone Gate Subdivision nang barilin ito ng 70-anyos na suspek na si Leonardo Jaguba, gamit ang sumpak sa harap ng kanilang mga kapamilya.

Ang biktima ay asawa ng bunsong anak ng suspek at ayon sa mga kasambahay, matagal nang may samaan ng loob ang dalawa.

Bago ang pamamaril nagkaroon muna umano ng mainitang pagtatalo ang mga ito  na humantong sa pamamaril ng suspek na nang dumating  ay may hawak ng baril.

Naaresto naman ng mga pulis ang suspek na nahaharap sa kasong murder.