FARMER’S MARKET DAY INILUNSAD SA BATANGAS CITY

Lyka Manalo

“Hindi lang kami tinuruan, ang kanilang pagtulong ay hanggang sa dulo”

Ito ang ibinahagi ni Victor Malibiran ng Barangay Tabangao Dao, Batangas City.

Si Malibiran ay isa sa mga magsasakang lumahok sa programa ng Office of the City Veterinary and Agricultural Services (OCVAS) kapartner ang SM Foundation.

Ang programang Kabalikat sa Kabuhayan (KSK) ay naglalayong maturuan ang mga magsasaka ng mga makabagong paraan ng pagtatanim hanggang sa maani at maibenta ito sa merkado.

Kasama sa programa ang paglalagak ng espasyo sa mga SM malls para sa mga magsasaka na maibenta ang kanilang mga produkto sa SM Farmer’s Day.

Sumasailalim ang mga farmers sa 12 linggo ng pagsasanay sa comprehensive course sa produksyon ng organic high-value crop farming.

Kabilang sa kanilang mga produkto  ang mga sariwang gulay at prutas tulad ng indian mango, atis, talong, mais, pipino at iba pa.

Ayon kay Dr. Loyola Bagui, hepe ng OCVAS, isa din itong programa ng lungsod upang mahikayat din ang mga kabataan na magtanim at magka interes sa farming.

Isinagawa ang pagbubukas ng Farmer’s Day  noong Linggo, Hulyo 24 sa SM Batangas City. Binibigyan ng pagkakataon ang mga magsasaka na magtinda ng kanilang produkto tuwing araw ng linggo hanggang Disyembre.