EX-KAPITAN, PATAY SA PAMAMARIL

📷 Candelaria PNP

Ylou Dagos

Patay ang isang dating barangay captain matapos na ito ay barilin ng hindi nakilalang suspek habang nasa kanyang ipinapagawang eatery sa Candelaria, Quezon Biyernes ng hapon.

Kinilala ang biktima na si Eduardo Raymundo, 62 anyos, residente at dating kapitan ng Barangay Pahinga Norte.

Batay sa report ng Candelaria police, dakong alas 2:00 ng hapon, nasa loob ang biktima ng kanyang ipinapagawang eatery sa loob ng Buncayo Subdivision sa kanilang barangay nang dumating ang dalawang suspek na magkaangkas sa motorsiklo.

Pagkababa ng backrider pinagbabaril na nito ang biktima at saka mabilis na umangkas uli at tumakas.

Nagtamo ang biktima ng mga tama sa katawan at isinugod sa ospital subalit idineklara na itong dead on arrival ng doktor.

Blangko pa ang pulisya sa motibo ng krimen.

Tumanggi naman ang mga kaanak ng biktima na magsalita hinggil sa krimen kahit sinasabing alam nila ang dahilan at kung ano ang motibo  dahil makapangyarihan umano ang sangkot sa krimen. Nakakatitiyak umano sila na wala ring kahihinatnan ang imbestigasyon ng pulisya at posible rin umanong mapahamak lamang ang maghahalungkat sa ugat ng krimen.