PILGRIM, PATAY NANG MATANGAY NG BAHA SA ILOG SA QUEZON

📷 Dolores MDRRMO

Ylou Dagos

Patay ang isang matandang babae matapos na ito ay tangayin ng malakas na agos  nang biglang lumaki ang tubig sa pinagliliguan nitong ilog sa Dolores, Quezon.

Dakong alas 8:00 Lunes ng umaga nang marekober ng search and rescue team ng Dolores PNP, BFP at MDRRMO ang bangkay ng biktimang si Vicenta Castillo, 69 anyos, residente ng M.H Del Pilar, Brgy. Rizal, Makati City.

Ayon sa report ng pulisya, mula sa Makati ay dumayo sa Sta Lucia Falls sa Barangay Sta Lucia ang biktima at ang dalawa pang kasama para maligo sa  ilog kahapon ng tanghali.

Subalit dakong alas 2:00 ng hapon nang mapansin ng mga naliligo na tumataaas ang tubig at bumibilis ang agos. Nagawang makaahon agad ng iba pang mga naliligo at ng dalawang kasama ng biktima bago pa tuluyang rumagasa ang flash floods. Natangay ang biktima at tuluyang nawala sa ilog.

Mula kahapon ay patuloy naman itong pinaghahanap ng search and rescue team hanggang sa marekober kanina sa nasabi ring ilog na nasa paanan ng Bundok Banahaw.

Ayon sa Dolores police, hindi naman kalakasan ang ulan sa mismong lugar nang mangyari ang biglaang pagbaha subalit ang tubig na galing sa kabundukan ng Banahaw umano  ang siyang nagpalaki ng tubig.

Ang Sta Lucia river at falls ay isa sa mga dinadayong lugar sa bayan ng Dolores ng mga mananampalataya mula sa ibat-ibang lugar  kasama ng  Barangay Kinabuhayan dahil sa paniniwalang ang paliligo at pagdarasal sa sinasabing banal na bundok ay nakakapagpagaling sa mga karamdaman.