1 PATAY, 4 SUGATAN MATAPOS SUMALPOK ANG JEEP SA PADER SA  LIPA

Marlon Luistro

Isa ang patay habang apat naman ang nasugatan makaraang sumalpok sa pader ng establisimiyento ang kanilang sinasakyang jeep sa may JP Laurel Highway, Barangay Tambo, Lipa City, Batangas Martes ng madaling araw.

Namatay sa aksidente ang biktimang kinilalang si Christopher Medina.

Sugatan naman ang driver na si Jemuel Hernandez at mga pasaherong sila Patrick Isaac Panganiban, Jaem Medina, at isang menor de edad na biktima.

Sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, pasado ala una ng madaling araw tinatahak lamang ng jeep ang nasabing highway patungong Lipa City Proper nang mawalan ng kontrol ang driver pagdating sa pakurbang bahagi ng daan hanggang sa diretsong sumalpok sa pader ng isang business establishment.

Sa lakas ng impact ay wasak at nayuping parang lata ang unahan ng jeep habang nagtamo naman ng mga injuries sa katawan ang driver at mga sakay nito.

Dead on arrival na sa Lipa City District Hospital ang pasaherong si Christopher habang nagpapagaling naman sa magkahiwalay na mga ospital ang apat pa kabilang na ang driver na si Jemuel.

Nag uusap na ang magkabilang panig para sa posibleng areglo ng naaksidenteng driver at naulilang mga kaanak ng biktimang si Christopher.