3 MAGSASAKA NIRATRAT, 1 PATAY, 2 SUGATAN SA QUEZON

Ylou Dagos

Isa ang patay habang dalawa ang sugatan matapos na ang tatlong magsasaka ay ratratin sa kanilang bahay sa bayan ng San Andres, Quezon Lunes ng gabi.

Dead on the spot ang biktimang si Bernabe Ebarsabal , 63 anyos, samantalang isinugod naman sa ospital sa kabilang bayan ng San Francisco ang dalawa pa na sina Don Don Argawanon, 34; at Jurnel Nick Riveral, 55, panay residente ng Sitio Matikol, Brgy. Pansoy.

Base sa report ng San Andres police, dakong alas 7:00 ng gabi, nasa beranda ng kanyang bahay ang biktimang si Ebarsabal nang ito ay pagbabarilin ng apat na hindi nakilalang mga suspek.

Agad itong nasawi dahil sa mga tama ng bala sa ibat-ibang bahagi ng katawan.

Matapos pagbabarilin ang unang biktima, isinunod naman ng mga salarin  ang dalawa na nasa isang kubo 15 metro ang layo sa bahay ng unang biktima.

Mabilis na tumakas ang mga suspek.

Blangko pa ang pulisya sa motibo sa krimen.