G-CASH SCAMMER TIMBOG SA LAGUNA

Ylou Dagos

Arestado ang isang suspek ng panloloko sa online cash transfer  matapos mambiktima sa Calamba City, Laguna.

Kinilala ng Laguna PNP  ang naarestong  suspek na si Edmon  Catubigan,   43 anyos, residente ng  Muntinlupa City.

Pinaghahanap naman  ng isa pang suspek na alyas  Vergie.

Ayon sa Calamba police  naganap ang pangyayari bandang alas 3:00   Martes ng hapon  sa isang GCash outlet sa Barangay Canlubang.

Natangayan ng mga suspek sa halagang P48,000 ang isang babaeng biktima matapos na ito ay mabudol ng dalawang magkasabwat.

Modus ng mga suspek na humingi ng tulong sa kanilang biktima at magkunwaring magpapatulong sa kung paano magtransfer ng pera sa GCash.

Iniabot ng suspek na si Catubigan ang kanyang cellphone sa biktima at ipinakausap ang nasa kabilang linya na si Alyas Vergie.

Habang magkausap, nagtanong si Alyas Vergie ng ilang mga  personal information mula sa biktima kabilang ang buong pangalan at kanyang GCash account number.

Nagulat na lamang ang biktima ng malaman na nagtransfer siya ng nasabing halaga sa ibang account.

Mabilis na tumalilis ang suspek subalit nahabol ito ng tatay ng biktima kasama ang mga barangay tanod  at ng mahuli ay  dinala sa police station.

Kasalukuyang nakapiit naman ang suspek  sa Calamba  police station locked up jail  at nahaharap sa kasong Swindling Estafa of Art. 315 of RPC in relation to Sec. 6 of RA 10175 Anti-Cyber Crime Law.

Paalala ng pulisya na maging alerto sa mga ganitong panloloko at huwag magbibigay ng anumang impormasyon sa iba lalo na at may kinalaman sa online transaction o kahit sa social media.

Apela pa ng mga awtoridad na kung may mga ganoong  modus ay agad ipaalam sa pinakamalapit sa istasyon ng pulisya para sa agarang aksyon.