PAGTAAS NG  DEGASSING ACTIVITY, NAOBSERBAHAN SA BULKANG TAAL

Marlon Luistro

May naobserbahang pagtaas sa degassing activity sa main crater ng Bulkang  Taal sa Batangas Miyerkules ng umaga.

Ayon sa Phivolcs, nagbuga ng  12,125 tonelada ng volcanic sulfur dioxide o SO2 gas. Pinakamataas yan simula nang ibaba sa Alert Level 1 status ang Bulkan noong  June 11.

Sa mga  nakalipas  na araw ay kapansin pansin din ayon sa Phivolcs ang  pagtaas ng degassing activity kasabay ng panunumbalik ng upwelling sa main crater lake at pagbuga ng makapal na usok.

Nabalot  din ng  volcanic smog o vog ang kanlurang bahagi ng Taal Caldera kahapon at ngayong umaga na may kasamang pagkapal sa bayan ng Laurel at sa Banyaga, Agoncillo, Batangas, kung saan may nadulot na sira sa halaman sa tala ng mga opisyal ng munisipyo.

Habang may naulat din aniya ang mga naninirahan sa Tagaytay at sa Bugaan East, Laurel, Batangas ang masangsang na amoy ng asupre. Nakapagtala naman ng siyam (9) na low-frequency events kabilang ang tremor na tumagal nang 8 hanggang 12 minuto sa nakalipas na araw ng pagmamanman.

Ayon sa  Phivolcs, labis yan sa baseline na bilang ng mga volcanic earthquakes sa Taal.

Pinaalalahanan naman ng Phivolcs ang mga mamamayan na ang vog ay isang uri ng polusyon sa hangin na sanhi ng mga bulkan.

Ang mga taong sadyang mas maselan sa masamang epekto ng vog ay ang mga may karamdaman gaya ng hika, sakit sa baga at sakit sa puso, mga matatanda, mga buntis, at mga bata.

Kayat bilang pag iingat ay pinaalalahanan ang mga lugar na nakararanas ng vog na bawasan ang pagkakalantad o exposure sa vog.

Dapat ding  iwasan ang mga gawaing panlabas o manatili na lamang sa loob ng bahay at isara ang mga bintana at pintuan upang maiwasang makapasok ang vog sa loob ng bahay.

Gumamit ng nararapat na N95 face mask o gas mask bilang proteksyon sa sarili. Kailangan ding uminom ng maraming tubig upang maibsan ang iritasyon o paninikip ng daluyan ng paghinga.

Kung kabilang naman sa mga maselan sa vog ay siguraduhing subaybayan ang inyong kalagayan at agarang magpatingin sa doktor o sa barangay health unit kung kinakailangan, lalo na kung may malalang epekto na nararanasan.