17 ANYOS NA LALAKI, NALUNOD SA ILOG SA STO. TOMAS

Marlon Luistro

Patay ang isang menor de edad na lalaki matapos na malunod  sa may Paho River sa Brgy. San Francisco, Sto. Tomas City, Batangas noong Lunes.

Sinabi ng Sto. Tomas City Police Station na nasa edad 17 anyos ang biktimang taga Western Bicutan, Taguig City, Manila.

Sa inisyal na imbestigasyon, dakong alas-12 ng tanghali nang magtungo ang biktima kasama ang kanyang mga pinsan sa Paho River na matatagpuan sa nasabing lugar.

Sinusubukan umanong sukatin ng biktima kung gaano kalalim ang ilog nang aksidente itong nadulas at bumagsak sa ilog.

Nakita ng kanyang kasamahan ang nangyaring insidente at sinubukan niya itong isalba, ngunit dahil sa lakas ng daloy ng tubig sa ilog ay iniwan na muna nya ang biktima at kaagad na humingi ng tulong.

Naiahon naman sa ilog at sinubukang irevive ang biktima pero bigo sila sapagkat wala ng buhay ang biktima.

Wala namang nakitang foul play ang pulisya sa nangyaring insidente.