TRICYCLE NASALPOK NG DALAWANG  TRUCK SA SAN PABLO CITY, DRIVER PATAY

Ylou Dagos

Patay ang isang nagmamaneho ng tricycle matapos masalpok ng dalawang truck sa Maharlika highway sa Brgy. San Ignacio San Pablo City, maghahatinggabi ng Miyerkules.

Idineklarang dead on arrival sa ospital ang biktimang si Oriel Jumawan  dahil sa mga tinamong pinsala sa ulo ng tumilapon ito at bumagsak sa sementadong kalsada.

Base sa report ng San Pablo City police, huminto sa gitna ng southbound lane ng highway ang tricycle upang lumiko ito sa isang intersection nang salpukin ito sa likuran ng kasunod na aluminum wing van truck na minamaneho ni Castor Esgallera Jr.

Sa lakas ng pagkasalpok, naitulak ito patungo sa kabilang linya kung saan nasapok naman ito ng kasalubong na 10-wheeler truck na minamaneho ni Jeffrey  Delima.

Isinugod pa ang biktima sa ospital subalit hindi na ito umabot ng buhay.

Naaresto naman ng mga tauhan ng San Pablo City police ang driver ng dalawang truck na parehong sasampahan ng kaso.