
Ylou Dagos
Pagkaraan ng dalawang taong pagkatengga dahil sa pandemic, pinaghahandaan na ang muling pagdiriwang ng Niyogyugan festival sa lalawigan ng Quezon.
Nagsimula noong 2011, ginaganap ang festival sa provincial capitol ground sa Lucena City tuwing buwan ng Agosto na naglalayong mabigyang parangal ang mga magsasaka ng niyog sa lalawigan ng Quezon.

Ang Quezon ay isa sa mga probinsyang nangunguna sa produksyon ng niyog at ganoon din ang pagpapasigla ng turismo.
Nagsimula ito bilang pet project ng noon ay Quezon 3rd district Congresswoman Aleta Suarez at ina ng dating gobernador David Suarez.
Hinango ito sa pangalang “Niyog” na pangunahing produkto ng Quezon at “Yugyugan” na may kahulugang kasamahan tv para sa mga lalahok at mga manonood.

Unang inakala ng mga magsasaka at mga turista na mawawala na ang long week festival na isa sa mga highlights ng Quezon day kasabay din ng paggunita ng lalawigan ng kapanganakan ni dating Pangulong Manuel L. Quezon tuwing August 19.
Subalit laking tuwa ng mga taga Quezon at maging ang mga turistang dumadayo ng mag-anunsyo ang kapitolyo na ipapagpatuloy ang pagdiriwang ng festival ng bagong Gobernador Angelina Tan na tumalo sa mga Suarez nitong nakaraang halalan.

Subalit sa opisyal na pahayag ni Tan, magkakaroon ng ilang pagbabago at recalibration sa pagdiriwang upang makamit anya ang tunay na diwa ng Niyogyugan festival- ang bigyang halaga ang produktong niyog at ang mga taong nasa likod nito.
Bahagi ng festival ay ang paglalagay ng mga makukulay at mga gawa sa ibat-ibang bahagi ng puno ng niyog na mga booth o kubo ng 39 na bayan at dalawang lungsod sa Quezon at ang pagtatampok dito ng mga pangunahing produkto ng bawat bayan.