BINATILYO NALUNOD SA GINAGAWANG HUKAY PARA SA HAZARDOUS WASTE

Ylou Dagos

Patay ang isang 14-anyos na batang lalaki nang ito ay malunod sa ginagawang hukay na gagawing tapunan ng hazardous waste materials sa Batangas City Biyernes ng tanghali.

Ayon sa report ng Batangas City police,  naengganyo ang batang maligo sa hukay na puno ng tubig na may lalim na nasa 13 metro. Napuno umano ng tubig ang hukay dahil sa mga pag-ulan.

Ang kinalunurang hukay ay ginagawa ng Wastecon Inc.,  isang total waste management services para sa treatment storage and disposal facility ng isang industrial plant sa Sitio Catmon, Barangay San Jose Sico, Batangas City.

Matapos masagip ang bata isinugod pa ito sa hospital subalit idineklara na itong dead on arrival ng doktor.