TATLO ISINABIT SA PAGPATAY NG DATING VICE  MAYOR NG DOLORES, QUEZON

Ylou Dagos

Tatlong katao ang isinangkot sa pagpatay kay dating Dolores, Quezon vice mayor Danilo Amat matapos maambush sa San Pablo City kamakailan.

Ayon kay Col. Joewei Lucas, hepe ng San Pablo City police,  sinampahan ng kasong murder sa Office of the City Prosecutor ng  San Pablo noong  Aug. 3 sina William Panganiban, 51; Orlando Ragudo, 43, at Rolando Risona, 44.

Sina  Ragudo at Risona  ang itinuturong gunmen, samantalang si Panganiban naman ang siya umanong  nagmamaneho sa sinasakyang kotse ng mga ito ng tambangan si Amat.

Ang mga suspek ay mga dati  ring  aides umano ni Amat ay positibong kinilala ng anim na testigo, ganoon din ng mga kaanak nito  base sa kuha ng CCTV sa lugar ng krimen.

Ayon pa kay Lucas, tininingnan ng binuong special investigation team  ang anggulong pulitika at matagal nang alitan na motibo sa krimen.

Sinabi pa ni Lucas na mayroon na silang mastermind subalit nangangalap pa sila ng marami pang impormasyon at  ebidensya para mapalakas ang kaso laban dito.

Si Amat ay sakay ng kanyang kotse nang ito ay pagbabarilin sa Seven street sa Barangay San Francisco noong July 22.