BABAENG RIDER, PATAY MATAPOS MABUNDOL NG SUV SA BATANGAS

Marlon Luistro

Dead on arrival sa ospital ang isang 42 anyos na babaeng rider matapos na mabangga ng isang nagmamadaling SUV ang kanyang motor sa Barangay Antipolo, Sta. Teresita, Batangas nitong Lunes ng gabi.

Kinilala ang biktimang si Rachel Terrible, taga-Barangay Balete, San Nicolas.

Ayon sa imbestigasyon ng Sta. Teresita Police, bandang alas-7 ng gabi nang maganap ang naturang aksidente sa daan na kinasangkutang ng tatlong sasakyan.

Ayon sa report, kakaliwa sana noon patungo sa kanyang pagtatrabahuhang STL Outlet ang biktima lulan ng minamanehong motor.

Huminto siya habang hinihintay na magclear ang highway at lumiban sa kaliwang bahagi ng daan.

Pero dahil sa masamang panahon at malakas na ulan ay hindi ito napansin ng driver ng Ford Everest, dahilan para bumangga ito sa motor.

Tumilapon ang biktima habang ang motorsiklo nito ay tumama naman sa unahang bahagi ng kotseng Mitsubishi Lancer na nasa opposite lane ng highway.

Nagtamo ng mga pinsala sa katawan ang biktima at nadala kaagad sa Taal Polymedic Hospital subalit idineklarang dead on arrival na ito ng doctor.

Nakakulong na ang driver ng Ford Everest at suspek na si Luis Gonzales sa Sta. Teresita Police Station at sinampahan na ng reklamong Reckless Imprudence Resulting in Homicide and Damage to Properties. Wala pa siyang pahayag sa insidente.

Gayunman ayon sa pulisya ay nag-uusap na ang driver at ang naulilang kaanak ng biktima para sa posibleng pakikipag-areglo.