MAHIGIT 1 MILYONG HALAGA NG SHABU, NAKUMPISKA SA LAGUNA

Ylou Dagos

Arestado ang dalawang binata matapos na masamsam sa mga ito ang nasa mahigit na 1 milyong pisong halaga ng illigal na droga sa buy-bust operation sa Calamba City Martes ng madaling araw.

Kinilala ng Calamba City police ang dalawang naaresto na sina Mirsuari Darang Jr. 24 anyos,  at Makikarim   Sabuyogan, 18 anyos, parehong residente ng Barangay Looc.

Ang dalawa ay naaresto ng mga tauhan ng Calamba City police sa operasyon dakong alas 2:00AM sa kanilang barangay.

Nakuha sa dalawa ang kabuuang 165 gramo ng shabu na tinatayang nagkakahalaga ng humigit kumulang sa P1,122,000.00.

Ayon pa sa pulisya si  Darang Jr. ay nakalista sa drugs watchlist na isang high value individual habang si Sabuyogan ay isang street level individual.

Nakakulong ang dalawa sa Calamba City police station locked up cell at sinampahan na rin ng kasong paglabag  sa RA 9165.