MGA PANANIM NANUYO DAHIL SA VOG NG BULKANG TAAL

📷 DA RCPC Calabarzon

Marlon Luistro

Nasira ang ilang mga pananim sa mga probinsya ng Batangas, Cavite at Laguna na malapit sa Bulkang Taal dahil sa nakalalasong sulfuric dioxide sanhi ng volcanic smog o vog.

Nanuyo ang mga pananim na palay sa Laurel, Batangas na matatagpuan may 11 kilometro sa Kanluran ng Bulkang Taal.

Habang nasira at nanuyo rin ang mga pananim na palay sa karatig bayan ng Nasugbu, Batangas na 35 kilometro sa Kanluran ang layo sa Bulkang Taal.

Maging ang bayan ng Lian sa Batangas ay natuyuan din ng mga pananim na palay.

Pati mga pananim na gabi, kamoteng kahoy, herbs, ornaments, talong at lettuce sa Tagaytay City, Cavite wala ring ligtas at nanuyo sa pinsalang dala ng vog ng Bulkang Taal.

Ang mga lettuce sa karatig-bayan ng Silang sa Cavite, nanuyo rin.

Maging ang mga pananim na palay, talong at ornamentals natuyuan din ng mga dahon.

Ayon sa Regional Crop Protection Center ng Department of Agriculture Calabarzon, dahil ang pagputok ng bulkan ay isang natural na pangyayari, walang paraan upang makontrol ang pagkakaroon ng vog. Kung ang inyong tanim ay naapektuhan ng sulfuric acid toxicity sanhi ng vog, pinapayuhan na gawin ang ilang mga hakbang gaya ng

pag-spray ng malinis na tubig sa mga dahon ng halaman pagkatapos umulan upang mahugasan ang dahon at maalis ang acid na dulot ng pag-ulan

Pwede rin aniyang maglagay ng fertilizer o abono upang mabigyan ng nutrisyon ang halaman at makarecover ito.

Puwede ring mag-apply ng kaibigang amag na Trichoderma upang mabigyan ang halaman ng karagdagang tibay laban sa mga mikrobyong dulot ng pagkakaroon ng vog.

Maaari ring bubungan ng malinaw na plastic ang taniman o kaya ay magtanim sa loob ng screenhouse.

Kapag nakitaan ng sintomas ang inyong mga tanim ay mangyaring  magreport lamang sa pambayan o panlalawigang agrikultura at sa DA RCPC Calabarzon.

Matatandaang nito lamang Linggo, Agosto 7, ay nagbuga ng 17,141 tonelada ng sulfur dioxide na may taas na 1500 metro ang Bulkang Taal, na ayon sa Phivolcs ay pinakamataas simula nang ibaba sa Alert Level 1 ang Bulkan.