MGA PULIS AT CIDG NABIKTIMA NG FAKE MESSAGE

📷 Sto. Tomas police

Ylou Dagos

Laking galit ng mga tauhan ng NCRFU at Sto Tomas City police matapos na mabiktima ng fake message na nagsasabing may posibleng pinatay at inilibing sa isang farm sa Sto. Tomas, Batangas.

Ayon  sa nagpadala ng mensahe, posible umanong ang  nawawalang pharma CEO  ang biktima.

Base  sa report ng Sto Tomas police,  natanggap  ng hotline ng CIDG NCR ang mensahe  mula umano sa isang concerned citizen dakong alas 12:00 Lunes ng tanghali.

Ayon sa text message narinig umano niya ang balita hinggil sa pagkawala ng Pharma CEO noong July 19 habang sakay ng kanyang Land Cruiser. Ayon pa sa text message, noon ding July 19, dakong alas 10:30   ng gabi nang may marinig siyang nagmamakawa sa lugar at humihingi ng tulong. Tumagal lamang anya ng ilang minuto at may umalis na sasakyan sa lugar.

📷 Sto. Tomas police

“Magandang umaga. meron po akong narinig sa radio na nawawala na isang presidente ng Pharma na nakasakay sa Land Cruiser na kulay puti, pagkatapos meron akong nadinig na nagmamakaawa ang sabi nya tulong in Jesus name, tapos mga ilang minuto umalis na din sila, pumasok sila ng July 19 mga 10:30PM dito sa Brgy. San Juan, Sto. Tomas City, Batangas sa lupain ni _____ ngunit si _____  ang nangangalaga nitong lupa na taga San Agustin, Sto. Tomas City, Batangas ang caretaker ng lupa ay si ____. “ ayon sa text message.

Matapos matanggap ang text message, agad sumugod ang mga operatiba ng NCRFU  sa Sto Tomas City police at nakahukay nga ng mga buto   sa isang masukal  na bahagi ng farm.

Subalit matapos ang pagsisiyasat ng SOCO nitong Martes ng tanghali, napag-alaman na mga buto lamang ng kambing ang nakuha  ng mga awtoridad sa malalim na hukay.

Tinutukoy na ng mga awtoridad kung sino ang sender ng text message at aalamin kung ito ay nagmamagandang loob lamang sa pagbibigay ng impormasyon o talagang nanloloko lamang sa mga awtoridad.