DIGITAL FILM FESTIVAL 2022, INILUNSAD NG KAPITOLYO AT BATANGAS FORUM

Marlon Luistro

Lungsod ng Tanauan, Batangas – Inilunsad  ng pamahalaang lalawigan ng Batangas sa pamamagitan ng Provincial Tourism and Cultural Affairs Office (PTCAO) at ng Batangas Forum for Good Governance and Development Association, Inc. ang Doon Po Sa Amin sa Batangas Digital Film Festival 2022 kahapon, ika-10 ng Agosto.

Sa ginanap na press conference sa Batangas Forum headquarters sa Barradas Airstrip ay sinimulan na ang panawagan para mangalap ng mga digital film entries sa nasabing patimpalak.

Ang nasabing digital film festival ay hango sa Doon Po sa Amin Pride Campaign ng Batangas Forum, na kathang-isip ng kilalang direktor at actor na si Leo Martinez. Layon nitong makapagtipon ng de kalidad na short digital films patungkol sa mga bagay na ipinagmamalaki ng Batangas batay sa kultura at sining, turismo, kasaysayan, pamanang lahi, kalikasan at kaunlaran ng  lalawigan.

Ito ang kauna-unahang digital film festival sa Batangas na magbibigay karangalan at papremyo sa mga namumukod-tanging Batangueno sa larangan ng digital films na magpapakitang-gilas sa pamamagitan ng kanilang pagka-malikhain at talento.

Mahahati sa Youth at Open Category ang nasabing patimpalak kung saan magkakamit ng P50,000 cash prize ang magwawagi sa unang puwesto; P30,000 para sa ikalawang puwesto at P20,000 ang sa ikatlong puwesto. Pagkakalooban din ng P15,000 cash prize ang magwawaging entry para sa People’s Choice Award.

Ayon kay Martinez, inaasahang nasa 170 entries o tig-lima kada bayan ang lalahok sa nasabing festival. Pararangalan ang mga magwawaging kalahok sa darating na ika-8 ng Disyembre kasabay ng taunang pagdiriwang ng foundation day ng lalawigan ng Batangas.

Titipunin ng festival ang iba’t-ibang short digital videos na isasagawa ng mga amateur o propesyonal na film makers at film practitioners na tubong-Batangas o naninirahan sa lalawigan partikular na ang mga kabataan. Layon din nitong maitatag ang Batangas bilang siyang nangungunang lalawigan sa bansa sa pagkakaroon ng kakaibang pamamaraan tungo sa socio-cultural-educational development na maghahatid ng positibong pagtataguyod ng lalawigan at ibat-ibang bayan at lungsod nito.

“Sa gitna ng mga hamong hinaharap natin sa panahong ito, huwag nating kalimutang ipagdiwang ang mga ipinagmamalaki nating mga Batangueno at ng ating probinsya sa larangan ng kultura at sining, turismo, kasaysayan, pamanang lahi, kalikasan at gayondin sa ekonomiya,” ani Gobernador Dodo Mandanas. “Layunin ng ating digital film festival na maisa-pelikula ang mga ito upang maipamahagi natin sa lahat ang galing at giting ng mayaman at masaganang diwa ng mga Batangueno. Sa paraang ito maipapakita natin ang RichBatangas na ating ipinagbubunyi sa lahat.”

Ayon kay Martinez, malaki ang maitutulong ng film festival sa mga malikhaing Batangueno filmmakers at film practitioners upng maihanda sila sa napipintong “creative economy” na layong isagawa ng Philippine Creative Industries Development Act.

Bukod sa may pagkakataon silang magwagi ng premyo, ani Martinez, ay may pagkakataon din silang kumita sa pamamagitan ng  pagbebenta ng intellectual property sa kanilang nilikhang content material, gaya na lamang sa bansang Sweden kung saan ani Martinez ay umaabot sa 25 porsyento ng gross domestic product ng bansa ay galing sa kita mula sa intellectual property ng musika gaya ng mga kantang pinasikat ng ABBA; gayundin ang K-Pop music at Koreanovela ng Korea na binibili naman sa Amerika at sa iba pang mga bansa sa daigdig.

“Yung mga nagtitik-tok, ayan, content material yan. Yung mga sumasayaw pag gani ganire, content material iyon. Yung ating kababayang si Quinay na Batangueno accent, content material yon. Lahat ng ginagawa ng mga vloggers, content material yon. Ang ano nga ngayon libre ang compose non, etc. Pero pag umiral na nga yung creative industries law, yung creative industries development act, kikita na yan kasi mandated na yon ay gaya ng ginagawa ng Korea ngayon at Sweden, India, United States, Great Britain. Yan ang content material, pelikula ang content material. TV show ay content material,” aniya.

“Kailangang bumalik tayo sa Philippine literature. Hindi pwede tayong yung Korean Telenovela ang lagi nating pinapanood. Hindi natin kultura yon. Tayo ang magawa ng ating content material reflecting our culture,” dagdag niya.

Para sa karagdagang kaalaman sa  pagsali sa Doon Po sa Amin sa Batangas Digital Film Festival 2022, mangyaring bisitahin ang link na ito: https://bit.ly/DitoPoSaAminSaBatangasEntryForm.