LOBO EX-VICE MAYOR PATAY SA PAMAMARIL

đź“· Lobo PNP

Arnell Ozaeta

Batangas – Patay ang 61-anyos na dating vice-mayor sa bayan ng Lobo matapos pagbabarilin ng hindi pa kilalang suspek Huwebes ng gabi. 

Namatay habang nilalapatan ng lunas sa Batangas Medical Center si ex-vice mayor at Sangguniang Bayan Secretary Romeo Sulit dahil sa tinamong tama ng bala sa kanyang ulo. 

Ayon kay PCAPT Roy Cuevas, hepe ng Lobo Police, bandang 12:34am araw ng Biyernes nang bawian ng buhay si Sulit. 

Sa imbestigasyon, nagsasalita sa harap ng mga bisita sa dinadaos na debut party si Sulit sa Barangay Tayuman nang lapitan ito ng gunman at barilin sa likod ng ulo bandang alas-8:05 ng gabi. 

Batay sa mga saksi, naka suot ng kulay green na jacket, black na shortpants at sumbrero ang suspek na mabilis na tumakas matapos ang pamamaril. 

Naisugod pa sa Lobo District Hospital si Sulit bago inilipat sa Batangas Medical Center pero binawian din ng buhay. 

Inaalam parin ng pulisya ang motibo at ang responsable sa krimen.