PAGSAMA NG LOS BANOS EXIT SA LAGUNA LAKESHORE ROAD NETWORK ISINUSULONG

Nakipag-pulong si Mayor Anthony Genuino at iba pang mga ospiyal ng bayan sa mga kinatawan ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at Laguna Lake Development Authority (LLDA) upang pormal na isulong ang pagkakaroon ng Los Baños Exit sa planong Laguna Lakeshore Road Network (LLRN).

Ayon kay Genuino, magiging ‘daan sa kaunlaran’ ang pagkakaroon ng Los Baños exit na magdurugtong sa Metro Manila at iba’t-ibang mga distrito sa Laguna.

Dagdag ng alkalde, mayroon nang binalangkas na Lakeshore Development Project ang bayan para maihanay ang mga rehabilitation programs nito sa baybayin ng Laguna de Bay, kasabay ng planong proyekto.

Bahagi ng LLRN Phase 1 ang pagdurugtong sa mga lungsod ng Taguig, Muntinlupa, San Pedro, Biñan, Santa Rosa, Cabuyao, at Calamba; habang nasa Phase 2 ng proyekto ang iba pang mga munisipalidad sa lalawigan. (PIA)