APAT NA ESTUDYANTE PATAY NG SUMALPOK ANG SINASAKYANG VAN SA SINUSUNDANG TRUCK SA TAYABAS CITY

📷 Nhiecole Abejo BNFM Lucena

Ylou Dagos

Apat na estudyante ang patay matapos na ang kanilang sinasakyang van ay sumalpok sa likuran ng truck sa Maharlika highway sa Tayabas City dakong  alas 3:00 ng  madaling araw nitong Miyerkules.

Kinilala ang Tayabas City police ang mga nasawi na sina Juan Carlos Alvarez, 22. Enrique Garcia, 20, Marga Elayne Ramirez, 18 at  Michaela Jeuel Solomon, 23, pawang mga estudyante at lahat ay residente ng Candelaria, Quezon.

Lumalabas sa imbestigasyon ng Tayabas City police, na mabilis ang takbo ng Toyota Innova van na sinasakyan ng mga biktima ng sumalpok ito sa sinusundang forward truck sa paakyat na bahagi ng highway sa Barangay Calumpang.

Galing Lucena ang van at patungo na sa Candelaria ng mangyari ang insidente.

Ayon sa driver ng truck, dahil sa bigat ng kanilang karga, hindi niya namalayan ang pagsalpok ng van at inakalang niyang pumutok lamang ang isang gulong nila sa hulihan matapos makarinig ng ingay mula doon.

Subalit ng itinatabi na nito ang truck, doon niya nakita sa side mirror na kaladkad na nila ang van.

Nagtamo ng mga grabeng pinsala ang mga biktima na agad nilang ikinasawi.

Kinustodiya naman ng Tayabas PNP ang driver ng truck.