DAM PROJECT SA BAHAGI NG SIERRA MADRE SA LAGUNA, IPINATITIGIL

Ylou Dagos

Mahigpit na tinututulan ng mga residente at ng ibat-ibang mga environmentalist groups ang isang Hydropower Dam Project  na balak itayo sa kabundukan ng Sierra Madre sa itaas ng Bayan ng Pakil at Paete sa Laguna.

Ayon sa mga tumututol, ang Ahunan Hydropower Dam Project,  ay hindi lamang makakasira sa mga likas yaman sa Sierra Madre kundi magiging dahilan din ng pagkasira ng watershed ng mga bayan ng Pakil at Paete, at posible ring magdulot ng paanganib sa buhay at ari-arian ng mga residente doon.

Kabilang sa mga grupong tumututol ay ang mga organisasyong  Etnikobandido, Defend Ecology network, UnDatu Life at  Protect Sierra Madre for the people, kasama ang mga mamamayan ng dalawang bayan.

Ang Ahunan Hydropower Dam Project ay 1,400-megawatt pumped-storage hydropower na  joint venture  ng dalawang malaking electric unit companies na binabalak na itayo sa  299.40-hectare site  sa kabundukang sakop ng Pakil at Paete.

Base sa primer ng proyekto, ang Ahunan Hydropower Dam Project ay hihigop ng tubig mula sa Laguna de Bay, iaahon sa itatayong napakalaki at napakalalim na reservoir  o imbakan ng tubig,  mistulang lawa o malaking dam,  sa ibabaw ng bundok ng Pakil,  at ibabagsak pabalik sa lawa para lumikha ng kuryente.

Maapektuhan ng proyekto ang ibang mga sanga-sangang  batis at ilog sa Pakil at Paete na siyang pinagkukuhanan ng water  supply ng dalawang bayan.

Maging ang water source ng mga spring resort ay maapektuhan din umano ng proyekto, at maging ang mga ilog na pinagliliguan ng mga mananampalatay sa Birheng de los Dolores de Turumba o Birhen ng Turumba.

Bilang aksyon naman ng Pamahalaang lokal ng Pakil sa reklamo ng mga mamamayan, nitong nakaraang linggo ay pinawalalang bisa ng Sangguniang Bayan ng Pakil  ang tatlong resolusyon na nauna ng nagdeklara ng “no objection”  sa proyekto. Ang tatlong naunang resolusyon na nagpapakita ng walang pagtutol ang lokal na pamahalaan sa proyeto ay ipinasa ng nasabi ring kapulungan noong 2020 at 2021.

Ikinatuwa naman ng mga mamamayan ang anila’y pagkambyo ng kanilang mga opisyal  ng bayan laban sa proyekto.