BUMBERO PATAY, 1 PULIS SUGATAN SA 2 AKSIDENTE NG MOTORSIKLO SA QUEZON

Ylou Dagos

Nasawi ang isang bumbero samantalang sugatan naman ang isang pulis sa magkahiwalay na aksidente sa motorsiklo sa Quezon nitong Miyerkules at Huwebes.

Nangyari ang unang aksidente sa provincial road sa  Brgy Danlagan, bayan ng  Padre Burgos, nang sumemplang ang NMAX Motorcycle na minamaneho ng pulis na si Patrolman Geoffrey Calma dakong alas 8:10 ng gabi.

Si Calma na nakatalaga sa 2nd QPMFC ng Quezon PNP ay nawalan ng kontrol sa motorsiklo matapos na masagasaan nito ang isang aso na biglang tumawid sa highway.

Natumba ito sa kalsada at nagtamo ng mga pinsala sa katawan at ginagamot pa ngayon sa ospital.

Samantala patay naman ang bumbero na si SFO1 Peter John Sesperes matapos na ang sinsakyan nitong NMax motorcycle din ay sumalpok sa railing ng tulay sa Maharlika Highway Brgy. Villa Padua Gumaca, dakong alas 2:20 Huwebes ng madaling araw.

Tumilapon mula sa motorsiklo ang bumbero at nagtamo ito ng mga grabeng pinsala sa ulo at  katawan at idineklarang dead on arrival sa ospital.