KASO NG COVID SA CALABARZON, BUMABA NG 14% SA LOOB NG 1 LINGGO

Marlon Luistro

Calamba City, Laguna – Bumaba na sa 3695 ang bilang ng mga aktibong kaso sa Rehiyong Calabarzon noong ika-18 ng Agosto, ayon sa Department of Health (DOH).

Mas mababa yan ng 14 porsyento kumpara sa 4,299 aktibong kasong naitala noong Agosto 11.

Umabot na rin sa 504,078 ang bilang ng mga gumaling sa COVID na mataas ng 0.77 porsyento kumpara sa 500,180 recoveries na naitala sa ika-11 ng Agosto.

Nadagdagan naman ng 36 ang bilang ng mga nasawi sa sakit mula sa ating 13,649 patungo sa 13,685.

Suma total ay umabot na sa 521,458 ang kabuuang bilang ng mga kaso ng COVID sa rehiyon simula nang magkapandemya mahigit dalawang taon na ang nakalilipas.

Pinakamaraming aktibong kaso ng  COVID-19 sa lalawigan ng Cavite na may 1,094, kasunod ang Laguna na may 1,364, at Batangas na may 657 active cases.

Pumang-apat naman sa may pinakamaraming aktibong kaso ang Quezon na may 294, kasunod ang Rizal na may 248 habang ang lungsod ng Lucena naman ang may pinakakonting bilang ng aktibong kaso na may 38.

Nito lamang ika-17 ng Agosto, kasabay ng kanyang pagpapabakuna ng pangalawang booster ay nanawagan si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. sa publiko na makiisa sa COVID-19 booster rollout ng pamahalaan.

Ayon sa pangulo makatutulong ang booster sa pagbubukas ng ekonomiya at pagpigil sa mga nakakapinsalang lockdown.

Sa kanyang  mensahe sa paglulunsad ng PinasLakas Vaccination Campaign sa SM City Manila, binigyang diin ni Marcos ang kahalagahan ng papapabakuna ng booster shot sa gitna pa rin ng banta ng COVID-19 at mga nakahahawang variant nito.

Isa aniya itong malaking hakbang para matugunan ang mga probleang kinakaharap ng ekonomiya ng bansa at makabangon sa negatibong epekto ng pandemya.