ISA NA NAMANG BANGKAY NATAGPUAN SA GILID NG HIGHWAY SA QUEZON

📷 Pagbilao PNP

Ylou Dagos

Isa na namang bangkay ng hindi pa nakikilalang lalaki  ang natagpuan sa gilid ng highway sa bayan ng Pagbilao sa Quezon province nitong Sabado ng umaga.

Batay sa ulat ng Pabilao PNP, dakong alas 7:40 ng umaga nang madiskubre ang bangkay sa gilid ng Maharlika highway sa Sitio Sapinit, Brgy Silangang Malicboy.

Sa inisyal na pagsisiyasat ng mga awtoriad, natuklasan na may sugat ito sa ulo na hinihinalang tama ng bala ng baril. Subalit wala namang mga basyo na natapuan sa lugar.

Ayon sa imbestigador, posibleng itinapon lamang sa lugar ang bangkay.

Tinatayang nasa edad 45 hanggang  50  anyos ang biktima at nakasuot ng gray t-shirt at itim na pantalon.

Patuloy pa ang imbestigasyon at inaalam ang pagkakakilanlan nito.

Ito na ang ikatlong bangkay na nadidiskubre sa gilid ng mga highway sa lalawigan ng Quezon sa loob ng isang linggo.