ISANG ARAW BAGO ANG SIMULA NG KLASE, MGA MAGULANG NAGKUKUMAHOG PA RIN SA PAGBILI NG MGA GAMIT-ESKWELA NG MGA ANAK

Isang araw bago ang pag-arangkada ng 2022 -23 school year face to face classes ay kandakumahog ang mga magulang sa pamimili ng mga gamit-eskwela ng kanilang mga anak.

Sa Lucena City, 3 araw nang ganito ang sitwasyon kung saan maaga pa lamang ay nakapila na ang mga mamimili sa mga school supplies store at maging sa mga side walk stalls na nagtitinda ng mga gamit-eskwela.

Ayon sa mga magulang, mas pinipili nilang mamili sa mga maliliiit na tindahan, palengke  at sa mga sidewalk dahil mas mura nilang nabibili ang mga gamit dito kumpara sa mga malls.

Ayon pa sa mga namimili, bukod sa mga school supplies tulad ng mga notebook, papel, lapis, ballpen, colors at iba pa, ay kelangang ibili rin nila ng mga bagong uniporme ang kanilang mga estudyante.

Bagamat hindi naman anya required ngayon sa mga estudyante na magsuot ng school uniforms sa pagpasok, pero ayon sa mga magulang mas makakatipid  pa rin sa damit  kung school uniforms ang gagamitin ng kanilang mga anak  keysa sa mga free style na kasuotan.

Marami anya kasi sa mga dating  uniform ng kanilang mga anak ay nagsipagliitan na dahil sa pagkakatengga ng dalawang taon na hindi nagagamit.

Yung ibang nag last minute shopping at nakikipagsiksikan ay dahil umano sa ngayon lamang sila nagkaroon budget para sa mga pangangailangan ng kanilang mga anak sa pagpasok na nangangailangan din ng malaking halaga lalo  na at marami silang anak na pinapag-aral.