ENGKWENTRO SA BATANGAS: LEADER NG GUN FOR HIRE GROUP, ARESTADO

📷 BPPO

Arestado ang pinuno ng gun for hire group at isa nitong miyembro sa engkwentro sa Brgy. San Roque, Rosario, Batangas bandang alas 4:00 ng hapon Agosot 23.

Kinilala ang suspek na si Eleazar Gupit Rocio aka “Isat”, leader ng Eleazar Rocio Gun for Hire Group na nag-o-operate sa lalawigan ng Batangas.   Ito rin ay Top 1 Regional Most Wanted para sa kasong murder, gun for hire activities at iba pang illegal activities.

Ayon sa report, inisyuhan si Rocio ng warrant of arrest dahil sa krimeng murder ni Hon. Rosemarie Manalang Austria na may petsang Agosto 19, 2022 at walang inirekomendang piyansa. 

Kaugany nito, sa pagsisilbi ng nasabing warrant kay Rocio at sa miyembro nitong si Leandro Reynoso Guerra, tumakas umano ang dalawa sakay ng isang SUV na may plakang ZMU 2301 nang mapansin ang presensya ng mga pulis.

Agad naman silang sinundan ng mga pulis hanggang sa maabutan ang kanilang sasakyan sa Brgy. San Roque, Rosario, Batangas. 

Nakalabas pa ng sasakyan ang mga suspek at tumakbo sa taniman ng tubo ngunit na-korner ang mga ito.  Pinaputukan umano ng mga akusado ang mga operatiba ng pulis nang aarestuhin na ang mga ito kaya napilitang gumanti ang mga otoridad.

Nagtamo ng tama ng bala sa tiyan si Rocio na dinala sa ospital para magamot, habang naaresto naman si Guerra at ngayon ay nasa Batangas Police Provincial Office.

Sinasabing ang dalawang suspek na pawang mga residente ng Ibaan sa Batangas ang nasa likod ng pagpatay sa isang Chinese national sa nasabing bayan noong Marso kasalukuyang taon.

Sa isang press conference Miyerkules ng hapon, sinabi niBatangas Police Provincial Director PCOL Pedro Soliba na may 5 taon na nag-o-operate sa lalawigan ng Batangas ang grupo at sila rin umano ang nasa likod ng pagpatay kay Ibaan ABC President Senon Portugal noong July 2020.  Patuloy pa ang pagkalap ng mga otoridad ng ebidensya upang maisampa ang kaukulang kaso kaugnay nito. 

“May mga history na yan ng unregistered firearms na hawak.  Ang initial engagement sa grupo ay noong naka-recover ng unregistered firearms at short firearms.  Nai-file ang case pero na-dismiss kasi hinanapan ng butas,” dagdag pa nito.

Naaresto naman ang kapatid ni Eleazar na si Florante noong naturang operasyon.

Miyembro rin umano ng naturang gun-for-hire group ang hinainan ng search warrant sa isang farm sa bayan ng San Juan, Batangas noong July 16 kung saan sari-saring baril at granada ang nasabat ng mga otoridad.

“Wala na silang kinatatakutan.  Sa nangyari sa miyembro nila definitely makakatulong ito sa katahimikan ng Batangas,” pagtatapos ni Soliba.