LALAKI, PATAY MATAPOS PAGTATAGAIN NG BILAS SA BATANGAS CITY

Marlon Luistro

Patay ang isang 42-anyos na lalaki makaraang pagtatagain ng kanyang sariling bilas sa Barangay Bucal, Batangas City nitong Miyerkules ng gabi.

Kinilala ang biktimang si Ruel Matalog, isang construction worker.

Sa inisyal na imbestigasyon kadarating lamang ng biktima sa kanilang tahanan nang bigla na lang dumating ang suspek at bilas niyang si Honesto Tumanlao at kinompronta ito.

Hanggang sa bumunot na lamang ng bolo ang suspek at pinagtataga ang biktima na naging sanhi ng kanyang agarang pagkamatay.

Boluntaryo namang sumuko sa pulisya ang suspek na ngayoy nakakulong na sa Batangas City Police Station at nahaharap sa kasong murder.

Personal na alitan ang tinitingnang anggulo ng pulisya sa motibo ng pagpaslang.

Wala pang pahayag ang suspek sa nasabing insidente.