BARKONG RORO NASUNOG SA ANCHORAGE AREA SA BATANGAS; 73 INILIGTAS

📷 PCG

Marlon Luistro

Nasunog ang barkong  RORO na MV Asia Philippines sa may anchorage area sa Batangas City  alas-5:59 ng hapon noong Biyernes.

Sa ulat ni Philippine Coast Guard Batangas Commander Victorino Ronaldo Acosta, alas-3 ng hapon nang umalis galing Calapan Port ang Barko kung saan inaasahan sana itong dumating  sa Batangas Port bandang alas-5:30 ng  hapon.

Ang nasabing barko ay may sakay na 49 pasahero at 38 na tripulante habang mayroon din itong lulang 16 rolling cargoes.

Agad namang nagpadala ng rescue team ang Coast Guard at nagpadala na rin ng bangka para sa Search and Rescue Operations.

Bandang 7:30 ng gabi kahapon ay umabot na sa 73 indibidwal ang nasagip ng rescue team.

Isang sugatang survivor ang dinala sa pinakamalapit na ospital para  malapatan ng kaukulang medikal na atensyon.

Bago mag alas 10:00 ng gabi,  naglabas ng opisyal na pahayag ang Starlite Ferries na nagsabing ligtas at nahanap nang lahat ng pasahero at crew ng nasunog na barkong MV Asia Philippines sa Batangas.

Sa inilabas na pahayag sa official page ng kumpanya sa Facebook, sinabi ng kumpanyang safe at all accounted for ang lahat ng 40 pasahero at 33 crew na sakay ng barko.

Tiniyak din ng management na bibigyan ng full assistance ang mga pasahero at crew na apektado ng insidente at patuloy silang makikipagcoordinate sa mga  otoridad para sa imbestigasyon ng insidente. Ngunit nanindigan ang Coastguard na may dalawa pang nawawala ayon sa kanilang record.   Anim din umano sa mga tripulante ang hindi nakatala sa crew list.