2 PATAY, 4 SUGATAN SA MAGKASUNOD NA VEHICULAR ACCIDENT SA QUEZON

📷 Sariaya PNP

Ylou Dagos

Dalawa ang patay samantalang 4 ang sugatan sa magkasunod na vehicular accident sa Quezon Province Sabado ng gabi.

Nangyari ang unang aksidente sa national road sa Barangay Lutucan Malabag, Sariaya kungsaan nasalpok ng isang pampasaherong jeep ang isang motorsiklo at isang truck dakong alas 7:30 ng gabi.

Batay sa imbestigasyon ng Sariaya police, unang sinalpok ng jeep ang motorsiklo at nasugatan ang 65-anyos na driver ng motor na si Luisito Mendoza na isinugod sa ospital sa Lucena City.

Dumiretso pa ang jeep at muling sumalpok sa unahan ng nakahintong truck na papasok sana sa isang farm.

Sa lakas ng pagkasalpok, nasugatan ang driver ng jeep na si Wilfredo Silva, 62 anyos, at ang pasahero nito na si Paterio Calabia, 54 anyos, na kapwa isinugod sa ospital sa bayan ng Candelaria. Subalit idineklarang dead on arrival ng doktor si Calabia.

Ayon sa Sariaya police, nakainom ang driver ng motorsiklo at pagewang-gewang ang takbo kaya nabundol ito sa likuran ng jeep na tuluyang nawalan ng kontrol at sumalpok sa truck.

Samantala sa Candelaria Quezon, patay ang 30 anyos na factory worker na si Raven Hernandez matapos na ang minamanehong motorsiklo nito ay maka head-on collision ng motorsiklong sinasakyan ng magkaangkas na sina Angelito Dimalibot, 20 anyos, isang mekaniko, at 18 anyos na estudyanteng si Zaeron Gutierrez sa national highway sa Brgy. Sta. Catalina Sur pasado alas 11:00 ng gabi.

Isinugod ang tatlo sa ospital subalit idineklarang DOA si Hernandez .

Ayon sa imbestigasyon ng Candelaria police, sinalubong ng motorsiklong sinasakyan ng dalawa ang linya ng motor ng biktima.