PINAGBIBINTANGANG MANGKUKULAM, GINILITAN SA LEEG NG MAGKAPATID

Ylou Dagos

Sugatan ang isang 54 anyos na tinderang pinagbintangang mangkukulam matapos na ito ay pagtulungan bugbugin at saksakin ng magkapatid sa San Luis, Batangas nitong Sabado ng umaga.

Nagtamo ng sugat sa leeg ang biktima matapos na laslasin ang leeg nito ng isa sa mga suspek.

Batay sa report ng San Luis police, nasa labas ng kanyang bahay ang biktima nang dumating ang magkapatid na sina Arnold at Roderick De Chavez kapwa residente ng Brgy. Muzon, San Luis, Batangas..

Nagpupumiglas pa umano ang biktima matapos pagtulungan ng magkapatid.

Mabilis na tumakas ang dalawa pero naaresto ng mga tauhan ng San Luis police si Roderick sa isinagawang follow up operation.

Isinugod sa ospital ang biktima na nakaratay pa dahil sa malalim na sugat sa leeg.

Lumalabas sa imbestigasyon ng San Luis police na nagalit ang magkapatid dahil sa hinala ng mga ito na kinulam umano ng biktima ang kanilang nanay na pumanaw kamakailan dahil sa hindi matiyak na karamdaman.