6 ARESTADO SA “PAIHI” NG MGA TANKER NG KRUDO SA QUEZON

📷 CIDG Quezon

Ylou Dagos

Anim na katao na sangkot sa illegal na pagbebenta ng produktong petrolyo o “paihi” ang naaresto ng mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Quezon Provincial Field Unit, Quezon PNP at mga tauhan ng Tiaong Municipal Police Station sa Tiaong, Quezon nitong Linggo ng gabi.

Ayon sa report ng CIDG-Quezon, huli sa akto ang mga driver ng petroleum tanker truck at ang kanilang mga kasabwat na buyer habang nagbibilihan sa kahabaan ng Tiaong Bypass Road, sa Barangay Lumingon mag-aalas 9:00 ng gabi.

Modus ng mga ito na iparada ang mga tanker sa gilid ng bypass road kung saan ginagawa ang iligal na bentahan.

Naaktuhan ng mga awtoridad ang dalawang tanker habang binabawasan ang karga nitong mga petrolyo at inilalagay sa mga plastic container.

Narekober sa mga suspek ang nasa mahigit na 100 litro ng diesel at cash na ginamit sa bentahan.

Nasa kustodiya ng Tiaong PNP ang mga suspek at nakatakdang sampahan ng kaukulang kaso.