CANADIAN CITIZEN, NAHUTHUTAN NG P13-M NG PINAY NA NAKILALA SA FB

📷 Sta. Cruz Police

Ylou Dagos

Nahaharap sa kasong estafa ang isang ginang matapos nitong huthutan ng nasa 3 milyong piso  ang isang Canadian Citizen na nakilala nito sa Facebook.

Nitong Linggo ng hapon ay naaresto sa entrapment operation ng mga tauhan ng Sta Cruz, Laguna police ang  33 anyos na suspek na si Jenelyn Sualog, taga Calamba City.

Inaresto ito dahil sa reklamo ng 65-anyos na Canadian Citizen na si Bruce Thomas Marshall  na dumating sa Pilipinas nitong August 11.

Ayon sa Canadian, nakilala niya sa Facebook ang suspek at sa pamamagitan ng matamis na pananalita nito ay nakumbinsi siyang magpadala ng perang umaabot na sa mahigit na 13 milyon mula noong 2019.

Ipagpapagawa umano ng ginang ng townhouse ang pera ng biktima para sa plano nitong paninirahan na sa Pilipinas.

Subalit ng magkita ang dalawa, walang maipakitang townhouse ang suspek at mula noon ay  nagtago na ito.

Muling kinontak ng suspek ang biktima sa Messenger at  humihingi pa ng P350, 000.00 para umano makapagpagawa ito ng mini grocery para magkaroon siya ng hanapbuhay at makabayad sa dayuhan.

Doon na nagsumbong sa pulisya ang biktima at isinagawa ang entrapment operation sa bayan ng Sta Cruz.

Makaraan ang ilang pagpapalit ng venue ng kungsan ibibigay  ang pera, naaresto ang ginang sa isang mall sa Brgy Labuin  sa nasabing bayan.

Patuloy pa ang isinasagawang imbestigasyon at inaalam kung may mga kasabwat ang suspek sa panloloko sa dayuhang biktima.