2 NOTORIOUS NA HOLDAPER SA CALABARZON NATIMBOG SA SAN PABLO CITY

Ylou Dagos

Natimbog ng mga awtoridad ang dalawang umano ay notorious na holdaper na nambibiktima  sa CALABARZON region at maging sa ilang lugar sa Metro Manila matapos na ng mga ito ay maispatan sa loob ng isang bar sa San Pablo City, Laguna nitong Martes ng Madaling araw.

Ang dalawa ay naaresto ng mga tauhan ng San Pablo City SWAT Team at mga  Intel Operatives  matapos i-report ng mga concerned citizen  na may dalawang armadong lalaki sa loob ng nasabing bar sa Brgy II-F.

Kinilala ng San Pablo City police ang mga suspek na sina John Reny Jose, 22 anyos, taga Parola, St., Cainta, Rizal; at Marvin Marasigan, 27, taga Bagumbayan, Angono Rizal.

Ayon sa  pulisya ang 2 ay sangkot sa serye ng panghoholdp sa limang lalawigan sa CALABARZON, gamit ang kanilang get-away vehicle na isang motorsiklo.

Positibong  kinilala ang dalawa ng ilan sa  kanilang mga nabiktima sa bayan at lungsod ng Lucena City, Tayabas City, Tiaong at Candelaria sa Quezon,  bayan ng Famy sa Laguna, at sa isang restoran sa Pililla, Rizal.

Narekober sa suspek na si Jose ang 27 ibat-ibang klaseng  cellphone, mga tablets, isang .9mm na baril, isang pares ng mamahaling sapatos at ilang sachet ng shabu  na pawang nakasilid sa isang backpack.

Nakuha naman kay Marasigan ang isang granada, isang 38 revolver, ilang sachet ng shabu at mga cash money na nakasilid naman sa isang sling bag.

Kinumpiska rin ng mga pulis ang kulay asul na motorsiklo ng mga ito na siyang ginagamit sa pagsasagawa ng krimen.

Sinampahan na ang mga ito ng San Pablo police ng patong-patong na kkaso ng paglabag sa Republic Act 10591 known as ‘Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act’, Violation of Republic Act 8294 known as ‘Amending Law for PD 1866 pertaining to firearms and ammunition’ and Violation of Republic Act 9165 known as the ‘Comprehensive Dangerous Drugs Act’ sa City Prosecutor’s Office ng  San Pablo City nitong Miyerkules ng umaga.

Inihahanda na rin ang iba pang mga kasong isasampa sa dalawa ng kanilang iba pang mga  nabiktima sa ibat-ibang lugar.