3 GCASH SCAMMER TIMBOG SA LAGUNA

Arestado si Jazer Del Mundo, isa tatlong suspek sa Gcash scammer sa Cabuyao Laguna (📷 Cabuyao PNP)

Ylou Dagos

Natimbog ng mga awtoridad nitong Huwebes ang tatlong GCash scammer sa Cabuyao City Laguna na nambibiktima gamit ang social media ng iba.

Batay sa report ng Cabuyao City police, dumulog sa  himpilan ng pulisya nitong Huwebes ang biktimang si Andres Capacete kasama ang  kaibigang si  Estaphanie Jonem at ang isa pang babae  na  nalaman na siyang nag-encash ng pera sa utos ng dalawang suspek.

Nadiskubre ang pangyayari matapos singilin ni Jonem si Capacete sa inutang nitong pera na ipinadala ng una sa pamamagitan ng GCash.

Natuklasan ni Capacete na nagamit ng iba ang kanyang facebook noong Miyerkules ng gabi at nakapag message ito sa kanyang mga kaibigan, kasama na si  Jonem at nakapanghiram ng pera at ipinapa-send  sa isang GCash account.

Subalit sa pamamagitan ng tulong ng may-ari ng isang GCash encashment sa Brgy. San Cristobal kung saan nag-encash ng pera ay nahuli ang babae na siyang kumuha ng pera.

Pumayag namang maging testigo ang babae at itinuro ang dalawang mastermind.

Naaresto sa follow up operation ng mga pulis ang dalawang lalaking  mastermind  na nakilalang sina Jazer Del Mundo, 21 anyos,   at   Neil Patrick Magas.

Nasa kustodiya na ng Cabuyao police ang dalawa  at nakatakdang sampahan ng kaso.