SANGGOL NA SAKAY NG TRICYCLE, PATAY NANG MAHULOG SA KALSADA

📷 Teresa PNP

Ylou Dagos

Nasawi ang isang taong gulang na batang babae  nang ito ay mahulog sa sinasakyang tricycle matapos mabitiwan ng naghahawak na kapatid sa J. Sumulong Avenue, Barangay Bagumbayan, Teresa, Rizal Biyernes ng umaga.

Lumalabas sa imbestigasyon ng Teresa police, na dakong alas 10:30 ng umaga, sakay ng kanilang tricycle na minamaneho ng padre de pamilya na si Joseph Ramirez  ang mag-anak  at tinatahak ang highway nang biglang mahulog ang bata mula sa loob.

Ayon sa Teresa police, magkaangkas sa motorsiklo ang mag-asawa at  ang tatlong magkakapatid na  bata ang nasa loob ng sidecar.

Isa sa mga batang kapatid ang may hawak sa sanggol na nalaglag sa hindi malamang dahilan.

Bumagsak sa kalsada ang bata at sa kasamaang palad ay nasagasaan pa ito ng kasunod na pampasaherong jeep.

Isinugod pa sa ospital ang bata subalit idineklara na itong dead on arrival ng doktor.

Kinustodiya ng Teresa police ang tatay ng biktima at ang driver ng jeep upang alamin kung may pananagutan ang mga ito sa pangyayari.