MANGINGISDA NAGSELOS, KA-LIVE IN AT LALAKING PINAGSESELOSAN, PATAY SA SAKSAK

Ylou Dagos

Dahil sa matinding selos, napatay sa saksak  ng isang mangingisda ang kanyang live-in partner at ang lalaking pinagbibintangan nitong karelasyon ng ginang sa Brgy. San Piro Balayan, Batangas  noong  Biyernes.

Dead on arrival sa ospital ang 35-anyos biktimang caretaker ng isang bahay na si Edison Garilao dahil sa tinamo nitong  malubhang tama sa leeg at sa dibdib.

Hindi  na rin umabot ng buhay sa ospital  ang 36 – anyos na si Analyn Alico, live in partner ng suspek,  na nagtamo ng tatlong tama  matapos itong unang sasakin ng kinakasamang  si Remegio Doble, 38 anyos.

Batay sa report ng Balayan police, nag-away muna ang magka live-in  sa kanilang bahay hanggang sa mauwi sa pananaksak ng lalaki.

Nagalit umano ang lalaki dahil sa nababalitaan nito na may lihim na relasyon ang dalawang biktima.

Kasunod na tinungo nito ang bahay na pinagtatrabahuhan ng biktimang si Garilao na noon ay naglilinis sa garahe at saka inudayan ng sunod-sunod na saksak.

Isinugod pa ng mga rumespondeng pulis  sa ospital ang dalawang biktima subalit kapwa binawian ng buhay ang mga ito.

Naaresto naman ng mga pulis ang suspek na nahaharap sa kasong double murder.