ILLEGAL DRUGS ISINASABAY SA TRUCK MAHIGIT P300K NA HALAGA NG SHABU NAKUMPISKA SA QUEZON

📷 Lopez PNP

Ylou Dagos

Arestado ang driver at pahinante ng isang cargo truck matapos na masamsam sa mga ito ang nasa mahigit na P300,000 na halaga ng shabu sa Lopez, Quezon nitong Linggo ng gabi.

Ayon sa report ng Lopez police, nasakote ang dalawa sa buy bust operation sa Lopez diversion road, Barangay Danlagan dakong alas 10:00 ng gabi habang ang mga ito ay nakahinto sa gilid ng highway at naghihintay ng kanilang buyer.

Kinilala ang mga naaresto na sina Sherwin Caisip Buela, 37 anyos, driver, taga Brgy. Bignay 2, Sariaya at Rowell Berja Montesa, 34 , pahinante, residente ng Brgy.Tagbakin, Atimonan.

Ang dalawa ay parehong empleyado ng trucking company na bumibiyahe mula sa Metro Manila patungo sa ibat-ibang lugar sa Calabarzon.

Ayon sa pulisya modus ng mga ito na isabay sa biyahe ng kanilang truck ang mga illegal drugs na ipinipadala sa kanila ng mga drug supplier na nag-ooperate sa Calabarzon para ibagsak sa mga drug dealer sa mga bayang kanilang dinadaanan.

Hindi lang anya iilang mga truck driver ang gumagawa ng ganitong iligal na aktibidad.

Nakumpiska sa mga ito ang humigit kumulang sa 15 gramo ng shabu at tinatayang may street value na P 306,000.00.
Inimpound din ng pulisya ang truck ng mga ito.

Nasa kostudiya ng Lopez police ang dalawa at sinampahan na nitong Lunes ng umaga ng kasong paglabag sa Section 5 and 11 of Article II of RA9165.

Photo from