KAWATAN NG CELLPHONE, NATUNTON SA PAMAMAGITAN NG GPS TRACKER SA QUEZON

Ylou Dagos

Timbog ang dalawang umano ay notorious na kawatan matapos na matunton dahil sa GPS tracking ng kanilang mga ninakaw na cellphone sa Atimonan, Quezon.

Ayon sa report ng Atimonan police, Biyernes alauna ng madaling araw nang mapasok ng mga suspek ang isang bahay sa Brgy. Malinao Ibaba habang mahimbing na natutulog ang pamilyang nakatira doon.

Kasama sa natangay ng mga suspek ang 4 na unit ng celphone na naka charge sa salas ng bahay.

Subalit dahil sa Google tracking na naka-on sa mga nanakaw na cellphone, napag-alaman na nasa Tayabas City na ang mga nawawalang unit.

Kaagad bumuo ng tracker team ang Atimonan at Tayabas City police para maaresto ang dalawa na hindi na makapalag nang puntahan ng mga awtoridad sa eksaktong lugar nitong Linggo ng hapon.

Ayon sa pulisya, kilalang magnanakaw ang mga ito sa Tayabas City kaya dumadayo na sa ibang bayan sakay ng motorsiklo upang makapamasok ng mga bahay.

Nabawi sa mga ito ang mga gamit na natangay kabilang ang mga cellphone.

Nasa kustodiya na ng Atimonan police ang dalawa at sasampahan ng kaukulang kaso.