SEASONAL FARMWORKERS PROGRAM NG SAN JUAN, BATANGAS, MAHIGIT 500 MAGSASAKA NAIPADALA SA SOUTH KOREA

📷 San Juan LGU

Ylou Dagos

Umaabot na sa mahigit 500 magsasaka ang naipadala ng San Juan, Batangas sa bansang South Korea bilang mga seasonal farmworkers.

Matapos matigil nitong pandemic, muling umarangakada ang nasabing programa ng San Juan LGU nitong Marso kungsaan hanggang nitong buwan ng June ay umaabot na sa 505 na magsasaka mula sa ibat-ibang barangay ng nasabing bayan ang naipadala sa Hongcheon-Gun Gangwon-do Province sa South Korea na binubuo ng 9 na batches.

Ayon kay Jun Sevilla, secretary ng San Juan LGU at International Coordinator for Mutual Cooperation, nagsimula ang programa sa pamamagitan ng pagiging sister municipalities ng San Juan at ng Hongcheon-Gun Gangwon-do Province kungsaan mismong dumalaw sa San Juan ang mga opisyal ng nasabing lalawigan.

Limang buwan ang itinatagal ng isang indibidwal na makakasali sa programa kungsaan nakakatanggap ang mga ito ng humigit kumulang na suweldo na P85,000.00 pesos bawat buwan.

Sagot ng mga may –ari ng destinasyon na farm sa South Korea ang lahat ng gastos sa papeles at travel ng mga aplikante.

Nagiging trabaho ng mga magsasaka ay ang pagtatanim ng ibat-ibang mga gulay tulad ng patastas, pipino, sili, pechay at iba pa.

Ayon kay Sevilla, advance technology na ang ginagamit ng Koreans sa pagsasaka subalit kinakapos ang mga ito sa manpower ng mga local farmers kaya kumukuha ng mga workers mula sa ibang bansa.

Samantala nitong September 6 ay dumating na sa bansa ang unang batch na naipadala sa Korea noong April 4, 2022 matapos makakumpleto ng limang buwan.

Ang cropping season sa South Korea at nagsisimula sa pagtatanim sa buwan ng Marso at nagtatapos sa pag-aani mula buwan ng July hanggang buwan ng Oktubre.