BAYAN NG LEMERY BATANGAS, NALUBOG SA BAHA

📷 Jovito de Castro and Agoncillo MDRRMO

Ylou Dagos

Nalubog sa tubig-baha ang maraming lugar sa bayan ng Lemery, Batangas dahil sa walang tigil na pagbuhos ng ulan nitong Biyernes ng gabi.

Tubig na may kasamang mga putik at iba pang mga debris ang rumagasa sa maraming lugar sa Lemery.

Umabot din sa loob ng mga kabahayan ang baha.

Nitong Biyrenes ng gabi ay binayo ng malalakas na pag-ulan ang mga bayan na nasa bahagi ng central Batangas kabilang ang Lemery, Calaca, Agoncillo at iba pa na halos ay mga nakapaligid sa Taal volcano.

Ayon sa mga lokal na opisyal ng bayan, epekto pa ng pagsabog noon ng Taal Volcano  ang mga putik na tinatangay ng baha kapag umuulan.

Ito rin umano ang dahilan ng pagbara sa mga dating daluyan ng tubig sa mga gilid ng highway.

Nagdulot din ng matinding pagbigat ng daloy ng trapiko ang baha na inabot pa ng Sabado ng umaga.

Matapos humupa ang baha  Sabado ng magtatanghali, tambak naman ng basura ang iniwan nito sa maraming lugar.

Agad namang nagsagawa ng paglilinis ang mga tauhan ng lokal na pamahalaan sa mga naapektuhang lugar.

Samantala, sa bayan ng Agoncillo, nabalot naman ng makapal na putik ang maraming kalsada  dahil din sa malalakas na pag-ulan.

Ayon sa MDRRMO ng Agoncillo, nagkaroon ng makakapal na soil deposits sa Agoncillo-Laurel Circumferential Road dahil sa mga  landslide at mudslide kungsaan ang mga putik ay rumagasa at  tinangay ng mga baha patungo sa mga kalsada.

Ayon pa sa MDRRMO, dahil sa walang tigil na pag-ulan, lumambot ang mga lupa  at mga tumigas na abo na ibinuga ng Taal volcano noong sumabog ito noong 2020 na  natambak sa mataas na  lugar.

Kabilang sa mga apektadong lugar ay ang mga Barangay ng Subic Ilaya , Barangay Panghulan, Binilbiwang  at San Jacinto na siya ding mga barangay na grabeng pininsala nang pagsabog noon  ng Bulkang Taal.

Kaagad namang nagtulong ang Municipal Engineering Office  at mga mga opisyales ng Barangay para matanggal ang mga natambak na putik.