2 RIDER PATAY, 1 BACKRIDER SUGATAN, SA SALPOK NG KASALUBONG

📷 Calamba PNP

Ylou Dagos

Patay ang dalawang motorcycle rider sa pagbangga sa kanilang mga kasalubong sa magkahiwalay na aksidente sa Laguna at Cavite nitong Linggo.

Batay sa report ng CALABARZON police, parehong ang dalawang motorsiklo ang sumalpok sa kanilang mga kasalubong dahil sa pag-overtake at pagsakop sa opposite lane ng highway.

Unang nasawi ang rider na si Charles Jewel Rara matapos na ang motorsiklo nito ay sumalpok sa kasalubong na tractor head truck sa Maharlika highway sa Barangay Makiling, Calamba City, Laguna dakong alas 5:20 ng umaga.

Nagtamo ito ng mga grabeng pinsala at idineklarang dead on the spot ng mga sumaklolong emergency response team.

Samantala sa General Trias, Cavite, dead on arrival sa ospital ang rider na si Ernesto Hernandez nang ang motorsiklong minamaneho nito ay sumapok sa kasalubong na pampasherong jeep sa C.M Delos Reyes Ave. Brgy. Panungyanan dakong alas 7:00 ng gabi.
Nagtamo ito ng grabeng pinsala sa ulo na siyang ikinamatay nito.

Sugatan naman ang bakrider nito na si Ramil Madlansakay at agad ding isinugod sa ospital.