MAG-ASAWA PATAY SA AKSIDENTE SA MOTORSIKLO SA CAVITE

📹 Silang PNP and Maricar Andrande

Ylou Dagos

Patay ang mag-asawang magkaangkas sa motorsiklo matapos na makasalpukan ng kasalubong na pick-up sa Aguinaldo highway, Brgy. Lalaan 1, Silang, Cavite nitong Lunes ng umaga.

Kapwa binawian ng buhay habang nilalapatan ng lunas sa ospital ang mga biktimang sina Ruel Cortez, 41 at Glenda Cortez,  35, mga taga Brgy. Taludtod, Balayan, Batangas.

Batay sa report ng Silang Police, patungo sa direksyon ng Tagaytay ang mag-asawa mula sa bayan ng Silang nang masabitan  ang mga ito ng kasalubong na pick-up na nag-overtake sa isang nakatigil na subcompact  SUV sa gitna ng highway dakong alas 6:00 ng umaga.

Batay sa kuha ng CCTV, huminto ang SUV para kumalliwa subalit sumabit dito ang nag-overtake at nagpumilit na lumusot na pick-up.

Dahil sa impact, napatulak ang pick-up papunta sa linya ng paparating na motorsiklo na hindi na nakaiwas  sa sasakyan at bumangga sa tagiliran.

Nagtamo ang mag-asawa ng mga grabeng pinsala sa ulo at katawan matapos tumumba ang kanilang motorsiklo.

Agad isinugod ang mga ito sa ospital kungsaan halos wala pang isang oras ay kapwa na  binawian na ng buhay.

Kinustodiya naman ng Silang PNP ang nagmamaneho sa pick-up at ang driver ng SUV na isang Korean National at posibleng maharap sa kasong reckless imprudence resulting in double homicide.