OPISYAL NG RIDERS TEAM NG CAMP CRAME, PATAY SA AKSIDENTE SA LAGUNA

Ylou Dagos

Patay ang tactical coordinator ng isang marketing services corporation at opisyal din ng isang riders club sa aksidente sa kanyang sinasakyang motorsiklo sa San Pedro City, Laguna, Lunes ng umaga.

Kinilala ang biktima na si Reneboy Leonor, 41 anyos, residente ng Biñan City, at isa sa mga founder ng motorcycle riders club na Crame Riders Team Inc.

Ayon sa report ng San Pedro police, dakong alas 6:15 ng umaga nang mangyari ang insidente sa San Isidro Bridge, National Highway, Barangay Nueva, San Pedro City habang ang biktima ay papauwi na sa Biñan City.

Galing pa umano ang biktima sa Quezon City at dumalo sa seminar ng kanilang samahan na  The Fraternal Order of Eagles.

Ayon sa dalawang witness, nakita na lamang nilang nakahandusay sa sementadong kalsada ang biktima katabi ng kanyang nakatumbang  isang adventure type motorcycle.

May mga sugat ito sa ibat-ibang bahagi ng katawan.

Agad itong isinugod sa ospital subalit nasawi rin habang nilalapatan ng lunas.

Ayon sa doctor,  malalang pinsala sa ulo ang ikinamatay nito.

Lumalabas sa pag-iimbestiga ng mga imbestigador na self  accident ang nangyari na posibleng dahil sa  madulas na kalsada bunsod ng mga pag-ulan.