KARAMBOLA NG TRUCK AT 2 TRICYCLE SA QUEZON, 4 PATAY, 5 SUGATAN

Ylou Dagos

Apat na katao ang nasawi at lima pa ang nasugatan matapos makasalpukan ng isang truck ang kasalubong nitong isang tricycle sa Maharlika highway sa Barangay Ikirin, Pagbilao, Quezon nitong umaga ng Miyerkules.

Dahil sa lakas ng pagkabangga, nadamay din ang isa pang tricycle na kasunod ng nakasalpukan ng truck.

Batay sa imbestigasyon ng Pagbilao police, dakong alas 9:00 ng umaga, nasabitan ng elf truck na minamaneho ng 42-anyos na si Junior Rafael Jovinal ang tricycle na minamaneho ng 24-anyos na si Marvin Aro Lopez na may apat na pasahero kabilang ang isang bata.

Base sa kuha ng CCTV sa lugar, galing sa kurbadang bahagi ng highway ang tricycle at halos sakop nito ang kabilang lane kaya bumangga ito sa kasalubong na northbound elf truck.

Sa lakas ng pagkasalpok, tumilapon ang tricycle at naitulak patungo sa kasunod na isa ding tricycle na minamaneho ni Allan Jay Cordero Rey, 42 anyos na may isang pasahero.
Humiwalay pa ang sidecar nito sa motorsiklo.

Nagtamo ng mga grabeng pinsala ang mga sakay ng unang tricyle matapos na tumilapon mula sa sasakyan.

Isinugod ang mga ito sa ospital sa Lucena City ng mga tauhan ng Pagbilao MDRRMO subalit idineklarang dead on arrival ang apat sa mga sakay na kinilalang sina Teodoro Balitaan, Justina Balitaan, 65 anyos, Maryrose Ravano, 30 anyos, at ang 5 taong gulang na si Princes Lara Lopez, mga residente ng Barangay Binahaan, Pagbilao.

Malubha ring nasugatan ang driver na si Lopez at isa pa sa mga pasahero na si Marilyn Lopez, 48 anyos.

Samatala sugatan din ang driver ng pangalawang tricycle na si Rey, 42 at ang pasahero nito na si Nilda Peñarubia, 56 anyos, kapwa taga Barangay Pinagbayanan, Pagbilao.

Nasugatan din sa kanyang mga paa ang nagmamaneho ng truck na si Jovinal na taga Lucena City.

Isinugod din sa mga ospital sa Lucena City ang mga nasugatan sa aksidente.