6-ANYOS NA BATANG BABAE PATAY MATAPOS BARILIN NG KANYANG TATAY, TATAY NG BATA NATAGPUAN DING PATAY

📷 Sta. Cruz PNP

Ylou Dagos

Isang 6 na taong gulang na batang babae ang nasawi matapos barilin ng kanyang tatay sa kanilang bahay sa Sta. Cruz, Laguna, Miyerkules ng madaling araw.

Matapos ang krimen, natagpuang patay ang tatay na suspek.

Ayon sa report ng Sta Cruz police, nangyari ang krimen sa bahay ng pamilya sa Barangay Bagumbayan dakong alas 4:20 ng madaling araw.

Umuwi umanong nakainom ang suspek na isang security personnel sa Alabang, Muntinlupa City, pero sa hindi malamang dahilan ay nagkaroon sila ng pagtatalo ng kanyang misis na isang pulis ng Sta Cruz Municipal Police Station.

Ayon kay PLtCol Jack Angog, hepe ng Sta Cruz Police, naayos din umano agad ang pagtatalo ng mag-asawa at umalis na ang misis para para mag-duty sa police station.

Pero pagkaalis ng ginang inakyat umano ng suspek sa kwarto ang kanilang anak na noon ay natutulog pa at walang sabi-sabing binaril ang anak.

Natagpuan namang may tama ng bala sa ulo ang suspek.

Agad na isinugod ng mga kaanak sa Laguna Medical Center Hospital ang mag-ama pero pareho itong idineklarang dead on arrival ng doktor.

Dagdag ni Angog, patuloy ang kanilang imbestigasyon sa nangyari at ayaw pang magsalita ng misis na pulis tungkol sa kanilang pinag-awayan bago ang insidente at kung ano ang problema ng kanyang mister.

Narekober sa crime scene ang apat na basyo ng 9mm na baril.