18 TIMBOG SA PASUGALAN SA ISANG RESORT SA LAGUNA, HALOS KALAHATING MILYONG TAYA, NASAMSAM

📷 San Pablo PNP

Ylou Dagos

Umaabot sa 18 katao ang naaresto sa raid na isinagawa ng mga awtoridad sa isang sugalan na ginaganap sa isang resort sa San Pablo City, Laguna Huwebes ng madaling araw.

Batay sa report ng San Pablo City police, dakong alas 3:20 ng madaling araw, isinagawa ng mga tauhan ng San Pablo PNP at mga operatiba ng RID4A-RSOU ang operasyon sa Sandra Torres Resort na nasa Reverina Subdivision, Brgy San Rafael na ginawang gambling place ng sugal na poker.

📷 San Pablo PNP

Kabilang sa mga naaresto ang mag live-in partner na siya umanong maintainer ng iligal na pasugalan, 11 poker player at 5 empleyado na nagsisilbing mga runner at server.

Ayon sa caretaker ng resort, ang iligal na sugalan ay pinatatakbo ng magkalive-in partner na sina Jeffrey Austria , isang negosyante at live-in partner nito na si Shirley Eustaquio, parehong residente ng San Pablo City.

📷 San Pablo PNP

Narekober ng mga awtoridad ang nasa P461,406.00 bet money, mga poker chips at mga baraha.

Ayon sa report, ilan sa mga nagsusugal ay nagmula pa sa Batangas at sa Metro Manila.

Ayon kay PLTCOL Joewie Lucas, hepe ng San Pablo City police, nagkukunwaring guest sa resort ang mga suspect at saka nagtitipon tipon sa isang hall na ginawang pasugalan.

Kinustodiya ng San Pablo City police station ang mga naaresto at sinampahan na rin ng mga kasong paglabag sa Republic Act no. 9287 o illegal gambling law.