DRIVER NG TRICYCLE NA SUMALPOK SA TRUCK SA PAGBILAO, PUMANAW NA RIN, BILANG NG NASAWI UMAKYAT NA SA 5 

📷 Pagbilao PNP

Ylou Dagos

Umakyat na sa 5 ang bilang ng namatay sa aksidenteng kinasangkutan ng 2 tricycle at isang truck sa Pagbilao, Quezon noong Miyerkules ng umaga.

Ito ay matapos pumanaw na rin ang driver ng tricycle na sumalpok sa truck na una nang ibinalita na nasa malubhang kalagayan.

Ayon sa hepe ng Pagbilao police na si PMAJ Lawrence Panganiban, si Marvin Lopez ay binawian ng buhay habang nakaratay sa ospital sa Lucena City Miyerkules ng hatinggabi.

Una ng idineklarang dead on arrival ang apat na sakay ng tricycle na sina Teodoro Balitaan at misis nito na si Justina  Balitaan, kasama rin si Maryrose  Ravano, 30-anyos; at ang 5 taong gulang na bata na kapatid ng pumanaw na driver.

Nakalabas na naman sa ospital ang ina ng nasawing driver na si Marilyn Aro Lopez na isa rin sa mga nasugatan.

Samantala hiniling ng pamilya ng mga biktima na masampahan ng kaso ang driver ng nakasalpukang truck na si Rafael Jovinal Jr. bagama’t noong una ay  hinihiling lamang ng mga kaanak na sana ay tumulong ang driver sa mga kagastusan ng mga biktima.

Nangako naman ang driver na tutulong ang kumpanya ng kanyang minamanehon truck sa pangangailangan ng mga biktima.

Nasa kustodiya pa rin ng Pagbilao PNP ang driver ng truck.